Chapter 52 - Callys good show (1/2)

Ang unang ginawa ni Prin at Cally pagdating ng kinabukasan ay pinuntahan si Marvin na kasalukuyang nasa Matsui Villa.

Alas syete pa lang ng umaga ng mga oras na iyon.

Sa parte ni Marvin, hindi niya akalain na may koneksyon ang babae na pinadudukot sa kanya sa mga Matsui.

Nang magising siya, mukha ni Zuki ang bumungad sa kanya nang nagdaang araw.

Kilala ang grupo ni Zuki dahil kay Rob Matsui. Alam niya na hindi kakayanin ng isang tulad niya ang isang Zuki, lalo na ang isang Rob Matsui.

Kahit ang pinaka-talamak na gang noon ay napatumba ni Rob kaya nga hindi pwedeng hindi nila kilala ang lalaki. Anak ito ng isa sa mga lider ng Yakuza group at hindi pwedeng magpadalos-dalos sa lalaki.

Sa isang pitik kayang pumatay ng lalaki, Ano ang magagawa ng isang katulad niya na utusan lamang ng Mayor?

Pumasok si Cally sa Main hall ng Matsui Villa kung saan ginagawa ang paghuhukom. Doon din hinusgahan ang anim na kidnappers. Nagtagpo ang mata nila ni Marvin.

Nakatali ang mga kamay ni Marvin sa likuran at puro pasa ang mukha. Hindi niya sinasabi sa mga ito kung sino ang nag-utos sa kanya na ipadukot ang babae dahil siguradong papatayin din siya ng Mayor kapag tinuro niya si Luna.

Hindi pa man nakakaupo si Cally, lumitaw sa paningin niya ang babae na kakapasok lang. Nanlaki ang mata ni Marvin.

Matalim ang tingin ni Cally na nakatingin kay Marvin.

”Sabihin mo sa amin, sino ang nagpapadukot sa asawa ko?” Tanong niya dito.

Nagtaka si Marvin sa termino ng binatang lalaki na asawa nito ang babaeng katabi pero hindi pa rin sumagot si Marvin. Ngumisi si Cally.

”Ang totoo, kahit hindi mo sabihin ay alam ko kung sino at dadalhin kita sa kanya ngayon din mismo.”

Nagsimulang magsalita si Zuki. ”Magpasalamat ka at si Master Cally lang ang kaharap mo, kung nandito sa Pilipinas ang tatay ni Miss Prin, malamang kagabi pa lang ay nagsimula ka nang magsalita, wala na ang kamay na itatali sa iyo at wala ka na sa harap namin ngayon.”

Inangat ni Marvin ang paningin sa babae. Ang babaeng ito ang gumulpi sa kanya nang nagdaang araw.

Naalala niya ang sinabi ng anim na kidnappers noon. Na nagawa ng babae na ilagan ang mga bala gamit lamang ang isang tubo. Totoo nga kaya ang sinasabi ng mga ito? Posible na ito rin ang dahilan kung bakit biglang nawala ang anim.

Napapikit siya at pinipigilan ang magsalita.

”Dalhin sila.” utos ni Cally kay Zuki saka ito tumayo.

Dinala si Marvin at ang dalawa pang kasama nito sa isang puting Van.

”Kung ako sa inyo ay magdasal na kayo dahil hindi nagbibiro si Master Cally.” banta ni Zuki.

=====

Huminto ang sinasakyan nila Prin sa tapat ng isang malaking bahay. Nilingon niya ang asawa sa tabi.