Chapter 13 - Missing Katana (1/2)
Kumunot ang noo ni Rob. ”MB16, kailangan mong panindigan ang akusasyon mo”
Si Cally ang magnanakaw ng katana sa loob ng Matsui mansion? Nahihibang ba ang batang ito? Para na rin nitong sinabi na nagnakaw si Cally ng sarili nitong pag-aari.
Hindi alam ni Rob kung ano ang nangyayari pero base sa tono ng pananalita nito ay inaakusahan nito si Cally, dahil tanging ito lang ang ordinary member na malayang nakakapasok sa loob ng tahanan nila bukod kay Prin.
Tahimik naman at seryoso si Cally.
”Uulitin ko, bibigyan ko ng pagkakataon na lumabas na ang taong kumuha ng katana. Hindi mo magugustuhan ang parusa na ibibigay ko.” parinig ni Rob sa kumuha ng armas.
Halatang kinabahan ang lahat sa paraan ng pananalita ni Rob. Isa pa, hindi pa man nagt-train ang karamihan sa kanila, naririnig na nila ang pangalan ng lalaki bilang isang malupit na tao, magaling sa pakikipaglaban sa underworld at kahit na wala itong armas ay kaya nitong pumatay ng tao.
May ideya rin sila na hindi ito simpleng tao base lang ng pagtrain nito sa kanila sa loob ng ilang buwan.
Tulad ng inaasahan, walang umamin sa lahat ng trainees.
Sumenyas si Rob sa mga guards para halughugin ng mga ito ang bawat camp ng apat na grupo.
Ilang minuto lang, isang guard ang may bitbit na katana at inabot kay Rob. ”Shukon (my lord), nakita namin ang katana sa Blade camp. Nasa ilalim ng kutson ni Shi Cally” pagbibigay-alam nito.
Tumingin ang halos lahat ng trainees kay Cally nang marinig ng mga ito ang pangalan niya. Hindi naman nila alam o naiintindihan ang ibig sabihin ng 'Shi'.
Humugot ng malalim na hininga si Rob. ”Uulitin ko sino ang kumuha ng katana at inilagay sa ilalim ng higaan ni Cally?” matigas niyang tanong
”Master, hindi ba normal lamang na si Cally ang paghinalaan niyo, bakit kailangan niyo pang itanong sa amin?” reklamo ni MB1 na Leader ng Dragoon team.
”Madalas ko nga na makita si Cally sa loob ng residente kaya may posibilidad na siya talaga ang pumuslit ng Katana.” dagdag pa nito.
”Imposibleng si Cally... kaya nga kung sino ang kumuha ay umamin na.” matigas na sabi ni Rob sa mga ito.
Si Cally naman na nakahalo sa trainees ay tahimik lamang at walang reaksyon. Gayundin si Prin.
Halata naman ang pagtataka sa mga mukha ng trainees kung bakit ganoon na lamang kung paboran ni Rob si Cally.
”Master, Si Cally ang kumuha dahil sa kanya nakuha ang Katana na nagmula pa sa Heian period.” pilit ni Levan.
Nagpipigil si Kai na Leader nila. Hindi niya makontrol ang sariling miyembro na si Levan pero may punto rin naman ang lalaki. Mas ninais pa rin niya na manahimik dahil naniniwala rin siya kay Cally na hindi nito kaya ang magnakaw.